|
|
|
|
|
Ang Asong Gubat at ang Leon |
|
|
|
|
Written by The Storyteller
|
|
Thursday, 22 May 2008 |
|
May isang asong gubat na nagsawa na sa kahahanap ng makakain sa gitna ng kaparangan. Naipasya niyang magtungo naman sa liblib na kagubatan at doon maghanap ng makakain, kahit na ang totoo hindi pa siya nakakarating sa liblib na kagubatan ay hindi siya nag-aalala. Alam niyang kayang-kaya niyang harapin ang anumang panganib. Walang panama sa kanya ang mga usa , kambing at kuneho. Habang papasok siya ng kagubatan ay may nakita siyang isang leon na naglalakad sa unahan niya. Binagalan niya ang paghakbang para makaagapay siya sa walang kamalay-malay na leon. Bagamat nalula siya sa laki ng leon ay tiwala pa rin siyang matatalo niya ito. Nang walang anu-ano ay biglang lumingon ang leon sa likuran at nakita siya. Bumuka ang bibig ng leon at lumabas ang malalaking pangil. Umangil ito ng pakalakas-lakas, na naging dahilan para mataranta siya. Hindi niya alam ang gagawin. Nagpalinga-linga siya, hanggang sa matiyak niyang wala siyang kalaban-laban sa lakas at laki ng leon. Kayang-kaya siyang ngatain ng malalaki at matutulis nitong ngipin. Delikado ang buhay niya kaya wala siyang sinayang na sandali, kaagad siyang kumaripas ng takbo. Ubod ng bilis siyang nakalayo sa lugar na iyon hanggang sa marating niya ang isang ilog. Kaagad siyang lumangoy hanggang sa makatawid siya sa kabilang pampang kung saan ligtas na siya. Halos lumawit na ang kanyang dila sa labis na pagod. Nang biglang lumitaw sa kanyang harapan ang isang matsing, nakangisi ito. "Ano ang nakakatawa?" pasinghal na tanong ng asong gubat. "Para kang nakakita ng maligno ah," tukso ng matsing, kanina pa ito nakamasid mula sa tuktok ng isang punongkahoy. Kitang-kita niya nang habulin ito ng mabangis na tigre. Tatawa-tawang tumalikod ang matsing. Lupaypay pa rin ang asong gubat, wala na itong lakas para habulin ang mapanuksong matsing.
|
|
|
|